Bagamat maituturing na may magandang pamantayan ang sistemang pangkalusugan at pang-medisina sa Pilipinas, hindi maikakailang kulang na kulang ang resorses at mga propesyunal sa larangan nito. Dahil dito, karamihan sa mga Pilipino ay walang access sa tamang atensyong pangmedisina. Sa modernong panahong ito, hindi rin maitatangging marami pa ding Pilipino ang tumatangkilik sa tradisyunal na panggagamot (sa albularyo, at iba pang mapamahiing panggagamot). Isa sa mga bunga nito ay ang laganap na pagse-self medication ng maraming mamamayan.

Larawan mula sa Coomeva Medicina Prepagada
Ang self medication ay ang paggamot ng mga pangkaraniwang problemang kalusugan gamit ang mga gamot lalo na ang mga dinisenyo at nilagyan ng label para sa paggamit nang walang medikal na pangangasiwa at naaprubahan bilang ligtas at epektibo para sa naturang paggamit.
Maraming mga dahilan kung bakit nagse-self-medicate ang mga Pilipino. Ang pag-asa sa pag-aalaga sa sarili, pakiramdam ng simpatiya sa mga miyembro ng pamilya sa pagkakasakit, kawalan ng panahon, kakulangan sa mga serbisyong pangkalusugan, pagpigil sa pananalapi, kamangmangan, maling paniniwala, malawak na patalastas at pagkakaroon ng mga gamot sa iba pang mga tindahan ng gamot ay may pananagutan sa lumalaking kalakaran ng self-medication.
Ipinakikita sa pag-aaral na ang karamihan ng mga sakit sa pagkabata ay ginagamot nang hindi kumunsulta sa isang doktor. Sa kalahati ng mga kaso, kung saan walang konsulta ng doktor, ang mga parmasyutiko – parehong reseta at di reseta – ay ginagamit. Ang mga anti-diarrheals at syrups para sa ubo ay natagpuan na pinaka-popular. Ang lahat ng mga anti-diarrheals at halos kalahati ng mga ubo syrups na ginagamit ay itinuturing na hindi angkop para sa paggamit sa karaniwang mga sakit sa pagkabata.
May mga pakinabang para sa healthcare systems ang self medication dahil pinapadali nito ang mas mahusay na paggamit ng mga klinikal na kasanayan at nakatutulong din sa pagbabawas ng mga gastos ng pamahalaan para sa iniresetang gamot. Gayunpaman, kaakibat nito ang mga panganib tulad ng misdiagnosis, paggamit ng labis na dosis ng gamot, matagal na durasyon ng paggamit, interaksyon sa droga at polypharmacy (sabay-sabay na pag-inom ng iba’t ibang gamot).
Ayon sa istatistika, Paracetamol ang pinakamabiling gamot sa botika. Ito ay tinatawag na over the counter (OTC) drug o gamot na maaring bilhin kahit walang reseta mula sa doctor. Pumapangalawa rito ang Ibuprofen na isang ring OTC drug. Ang dalawang gamot na nabanggit ay nasa klasipikasyon na analgesic na pantanggal ng iniindang sakit o antipyretic na panggamot sa lagnat. Ang ikatlong pinakamabiling gamot ay Amoxicillin na isang antibiotic. Ang ganitong uri ng gamot ay hindi maaaring bilhin ng walang reseta mula sa doctor, sapagkat ang maling paggamit nito ay maaaring magdulot ng antibiotic resistance na siyang nagreresulta sa pagkawalang bisa ng gamot. Bukod sa Amoxicillin, sumusunod din sa listahan ang maling paggamit ng Cotrimoxazole at Cephalexin na parehas ding anti-biotics.
Kung kaya’t naitatala na ang maling paggamit ng mga anti-biotic ay isa sa mga lumulubhang problema sa ating bansa. Nagkakaroon ng pagdami ng drug-resistant bacteria o mga bacteria na hindi na namamatay sa tulong ng antibiotics. Tinatawag itong Antimicrobial Resistance (AMR). Hindi lamang maling paggamit ng antibiotics sa mga tao ang sinasaklaw nito, kundi pati na rin ang maling paggamit ng antibiotics sa mga karne at manok. Nakapangangamba pa na kakaunti na lamang ang mga nadidiskubreng gamot ngayon upang palitan ang mga lumang anti-biotics. Dahil rin sa AMR ay tumataas ang kinakailangang pondo o mas lumalaki ang gastos para sa sektor pangkalusugan. Kaya naman isinulong ang Administrative Order no. 42 s. 2014 o ang paglika ng Inter-Agency Committee na silang lilika ng National Plan to Combat Antimicrobial Resistance. Kabilang dito ang Kagawaran ng Kalusugan, Kagawaran ng Agrikultura, Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal at Kagawaran ng Kalakalan at Industriya. Nakapokus sa “One Health Strategy” ang binuong plano na naglalayong masiguro na makakakuha ng kalidad na gamot ang mga tao, pagtitibayin ang tamang paggamit ng mga gamot, mapahusay ang pagpigil sa pagkalat ng impeksyon at mapalawak pa ang Research and Development (R&D) ng mga bagong gamot.
Isa rin sa mga tugon ng pamahalaan dito ay ang Botika ng Bayan (BnB), isang programang ng Department of Health (DOH) na inilunsad upang magbigay ng murang gamot para sa mga karaniwang sakit sa mga mahihirap na residente. Nauna nang inilunsad ang programang ito noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung saan sinubukang magtayo ng mga botika sa mga barangay sa pamamagitan ng pagbibigay sa barangay ng 25,000 pesos na kapital. Pero dahil sa kakulangan ng mga pharmacists at isang epektibong suplay ng mataas na kalidad na generic na mga gamot, hindi na ito ipinagpatuloy at nahinto noong 2011. Ngayon ay ibinalik ng administrasyong Duterte ang programang ito. Ang kaibahan nito at ng dating bersyon ay ang mga gamot ay libre at walang bayad. Nais nang DOH na magtayo ng 2,600 na BnB sa buong Pilipinas upang maitupad ang pangitain ni Pangulong Duterte na walang Pilipino ang dapat umuwi nang walang libreng pag-access sa mga pangunahing gamot kapag kinakailangan. Nais rin nitong magbigay ng mas mahahalagang gamot na magagamit para sa mga karaniwang sakit sa komunidad tulad ng antibiotics, vitamins, anti-inflammatory at ibang gamot pang asthma, hypertension at diabetes. Magbibigay rin ang mga BnB ng patient counseling galing sa mga lisensyadong pharmacists.

Ang patient counseling ay ang pagpapaliwanag ng isang pharmacist sa mga pasyente o kanilang kamag-anak o kung sino man ang nais magkaroon ang kaalaman tungkol sa mga medikasyon, maari itong berbal o nakasulat. Binabanggit dito kung paano ang tamang paggamit ng gamot, kung ano ang mga masamang epekto o “side effects” nito at mga pag-iingat na dapat gawin. Binabanggit din dito ang tamang gamot sa tamang tao, tamang pag-inom ng gamot at dami nito sa tamang oras. Mahalaga ito upang maunawaan ng pasyente ang kahalagahan ng kanyang medikasyon sa kanyang kalusugan. Sa pamamagitan ng patient counseling, mabibigyan ng tamang medikasyon at maiiwasan ang mga masamang epekto nito gaya ng pag-abuso sa mga gamot na nagiging sanhi, higit sa lahat, ng “antibiotic resistance”.

Napakahalaga na lubos na nauunawaan, pati ng mga kapos sa edukasyon, ang espesipikasyon ng gamot na kanyang iinumin. Dito pumapasok ang mahalagang papel ng wikang Filipino sa larangan ng medisina at parmasyutika.

Filipino ang pangunahing wika ng karamihan sa mga mamamayan. Ito ang kanilang kinagisnan kaya’t mas malalim ang nagiging pag-unawa kapag ito ang gamit sa mga transaksyon at konsultasyon. Makatutulong din ang paggamit ng pambansang wika sa pagkuha ng atensyon ng mga pasyente habang sila’y binibigyan ng counseling, sapagkat naipaparamdam sa kanila na kaswal na pag-uusap lamang ang nangyayari.
Sa kabilang dako, mahihinuha na may kahalagahan din ang patient counseling sa wikang Filipino. Unang una, mas inilalapit nito sa mga Pilipino ang kanilang pambansang wika. Ipinadarama nito sa kanila na ang wika ay lubos na makatutulong sa kanilang paggaling. Isa pa, napauunlad nito ang bokubularyong Filipino sa larangan ng medisina.
Bukod sa patient counseling, maaari ding itaguyod ang paggamit ng wikang Filipino sa doctor consultation at maging sa paglalathala ng mga saliksik pang-medisina. Sa ganitong paraan, napangangalagaan na ang ating kalusugan, napagyayaman pa ang ating pinakamamahal na wika – ang puso’t kaluluwa ng ating pagka-Pilipino.

Mga Pinagkuhaan:
A. (n.d.). Healthcare in the Philippines – Support. Retrieved from https://www.allianzworldwidecare.com/en/support/view/national-healthcare-systems/healthcare-in-philippines/
ABS-CBN News. (2018, August 13). Failon Ngayon: Botika ng Bayan. Retrieved September 21, 2018, from https://news.abs-cbn.com/news/08/13/18/failon-ngayon-botika-ng-bayan
Bennadi, D. (2014). Self-medication: A current challenge. Journal of Basic and Clinical Pharmacy, 5(1), 19. doi:10.4103/0976-0105.128253. Retrieved from https://studymoose.com/self-medication-practices-in-a-rural-filipino-community-essay
Counselling – library.bcpharmacists.org. (n.d.). Retrieved from http://library.bcpharmacists.org/5_Programs/5-2_PRP/5219-PRP_Support_Tool_Counselling.pdf
DOH. (2018, July 17). DOH relaunches ‘Botika ng Bayan’. Retrieved from https://pia.gov.ph/news/articles/1010499
Elgohary, H. (2017, March 05). Pharmacist patient education and counseling. Retrieved from https://www.slideshare.net/mobile/ouowkw/pharmacist-patient-education-and-counseling
Hardon, A. P. (1987). The use of modern pharmaceuticals in a Filipino village: Doctors’ prescription and self medication. Social Science & Medicine, 25(3), 277–292. Retrieved from https://www.sciencedirect.com/science/article/pii/0277953687902310
Hughes CM1, McElnay JC, Fleming GF. (2001). Benefits and Risks of Self Medication. Retrieved from https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pubmed/11735659
Jabir, J. (2015, January 01). Patient counselling. Retrieved from https://www.slideshare.net/mobile/jabirrahaman/patient-counselling
Lalu, G. P. (2018, July 16). DOH revives Botika ng Bayan to help LGUs, rural health units. Retrieved September 21, 2018, from https://newsinfo.inquirer.net/1010737/doh-revives-botika-ng-bayan-to-help-lgus-rural-health-units
Plant of the Week. (n.d.). Retrieved from https://www.fs.fed.us/wildflowers/plant-of-the-week/clinopodium_douglasii.shtml
Self Medication Practices in a Rural Filipino Community. (2016, April 05). Retrieved from https://studymoose.com/self-medication-practices-in-a-rural-filipino-community-essay
Unite, B. (2018, July 16). ‘Botika ng Bayan’ reactivated. Retrieved September 21, 2018, from https://news.mb.com.ph/2018/07/16/botika-ng-bayan-reactivated/
What is Self-Medication?, World Self-Medication Industry. Retrieved from http://www.wsmi.org/about-self-care-and-self-medication/what-is-self-medication/

